Letter for Pinoys

Ang Liham na Matagal Mo ng Hinihintay

Magandang araw, kabayan.

Matagal na ring panahong ako’y nag aabroad. Nasubukan ko ng lahat ng klase ng trabaho sa larangan ng serbisyo at pagkain. Pero parang may kulang, kaya ako nagtiyaga at pinag aralan habang nagtatrabaho kung paano at ano ang magandang gawin para umangat sa pwesto. Sige, kuskos ng plato dito, buhat ng mesa doon, magsilbi sa mga banyaga. Pagkatapos ng serbisyo, hindi pa natatapos ang trabaho, kailangang magligpit ng mga ginamit, magkarga sa sasakyan, isama mo na ang pagmamaneho at pagbalik sa opisina, siyempre, magdiskarga, magsalang ng mga maduduming mga gamit sa hugasan. At hindi pa natatapos diyan, kabayan. Silip saglit sa kompyuter para malaman kung may bago para bukas na gagawin. Babaguhin nanaman ang skedyul ng ibang kasamahan para lang maging maayos at tugma sa mga aktibidades para sa araw. Idagdag mo na rin ang mga nakalimutang pinik up na mga gamit dahil hindi pa sila tapos sa kanilang mga meeting. At ang bilin pa ni bisor na daanan din ang mga inumin sa suplayer dahil hindi nila ito maidedeliver.

Parang ala una na ng madaling araw at ito parin ang ginagawa natin. Bukas, kailangan mo nanamang pumasok ng alas sais ng umaga. Eh di wow! Relate ka ba kabayan?

10 years in the making din yan kabayan. Hindi lang yan, minsan nasubukan mo naring halos maiyak dahil pasko at bagong taon na nasa trabaho ka pa at naninilbihan? Hindi ako nagrereklamo, trabaho ito eh. Isa pa, may sahod di ba? Masaklap, sa susunod na taon, ganito kaya ulit? Oh my gulay, huwag naman sana. Pero sa unang apat na taon, parang ganun ang nangyari.

Sa lahat ng mga sakripisyo mo, dapat may kapalit na kaginhawaan. Tama naman, ang tanong lang, hanggang kailan? Tatlong taon pa? O siguro lima, kaya na. Halos lahat ng kompanyang napasukan natin, gumanda ang resulta sa unang tatlong buwan pa lamang. Aba, may magnet ata? Sa isang taong serbisyo, sabihin man nila o hindi, ramdam nating mga trabahador na kumita sila kahit papano. Kulang pa nga sa tao di ba?

Pero sa buong sampung taong pagseserbisyo sa mga may ari ng kompanya, nagpapasalamat ako at marami akong natutunan. Dumaan ako sa proseso para makamit ang posisyon ko ngayon. Mula sa pagmamaneho, pagwe waiter, pagigings bisor, hanggang sa maging assistant manager. Ngayon, General Manager na po ang inyong lingkod.

Pero sa lahat ng ito, tila’t may kulang parin. At naisip ko, hindi habang buhay tayo ay mamamasukan. Yayaman ang kompanya, bibigyan ka ng kapiranggot, susunod ka sa utos at ganun lang iyon. Hanggang sa kaya mo pang magtiis. Mahirap isipin, pero alila parin.

Ngunit, huwag mawalan ng pag asa kabayan, marami pang panahon. Hindi pa nga siguro ngayon pero malapit na. Ika nga eh, sa tamang panahon. Pero may sasabihin ako sayo, kabayan, ang tamang panahon, hindi dumadating kung hindi ka magsusumikap na hagilapin ito.

Hanggang dito nalang muna kabayan, alam ko pagod ka pa galing sa trabaho. Salamat sa pagbabasa. Siya nga pala, may gusto akong gawin, gusto kong tulungan ang mga negosyante partikular sa Alaminos City Pangasinan. Gusto ko ding tulungan ang lokal government para mapalago pa lalo ang turismo dito sa bayang ito. At ang panghuli, gusto kong tulungan ang mga kababayan nating nagbabalak magtrabaho sa larangan ng mga serbisyo at pagkain. In short, hospitality industry (mga trabaho sa restaurant: kasama dito mga Pot Washer(helper), Chef(cook), Waiter/Waitress, Bartender, Supervisor, Managers o Managers to be). Huwag ng mag alinlangan, pinagdaanan na natin lahat yan. Oras lang ang kailangan, at ang intensyon mong matuto.

Saklap isipin, nakikita ko kung ano ang kulang sa mga negosyo dito sa lugar na ito. Ang ganda ng lugar, humahanga ang mga turista sa kagandahan nito dahil sa effort ng ahensiya ng turismo at ang local government. Ang nakikita kong problema, kulang sa serbisyo ang mga restaurant. Hindi ko nilalahat pero karamihan sa kanila may kinalaman sa pagkain (pagluluto at presentasyon) at serbisyo ng mga serbidero at serbidera. Hindi alam ng iba nating kababayan, malaking epekto nito sa turismo ng bayan. Bakit hindi natin palakasin ang sektor na ito. Lahat ng mga negosyong may kinalaman sa inumin at pagkain. Mga kababayan nating nandito sa larangang ito at naiisip na may kulang din sa kanilang mga skil. Hindi masamang tanggapin na may kulang pa sa iyong kaalaman.

Para sa mga negosyante at naghahanap ng trabaho. Araw-araw, may bago kang matututunan. Kung sa tingin mo alam mo na lahat ng mga bagay tungkol sa iyong negosyo o trabaho. Pakisilip yung laman ng iyong bangko kung kumakausap ba sa iyo ito o tumitiklop na dahil, imbes na naglalagay ka sa bangko mo, eh tila naglalabas ka pa.

Kung gustong makipag ugnayan, bisitahin lang ang website.

Kabayan, hanggang sa susunod.

Ang iyong taga hanap lunas,

(Your Trouble Shooter)

%d bloggers like this: